From Broken Beginnings to Becoming a Beacon: A Journey of Hope and Healing
Jeffry Del Rosario Batch 2020–2024 | Magna Anima Teachers College
Learning Facilitator | Alay Kapwa Community Schooling
Ako po si Jeffry Del Rosario, dalawampu’t limang taong gulang, at panganay sa apat na magkakapatid. Maaga akong naulila—pitong taong gulang pa lamang ako nang pumanaw ang aking ama. Kasabay nito hindi rin kinaya ng aking ina ang bigat ng pangungulila at emosyonal na pasanin, kaya’t kami ng aking mga kapatid ay naiwan sa pangangalaga ng aming lolo at lola. Mula noon, natutunan kong tumayo sa sariling paa at humarap sa mga hamon ng buhay kahit walang gabay ng mga magulang.
Bata pa lamang, maaga akong namulat sa responsibilidad. Dumidiskarte ng pera para makatulong sa pamilya. Ngunit sa puso ko, may isang bagay akong mahigpit na hinawakan: ang kagustuhang makapagtapos ng pag-aaral. Isa sa mga naging inspirasyon ko ay ang aking bunsong kapatid na may cerebral palsy. Siya ang nagtulak sa akin na mangarap, magsikap, at piliin ang landas ng paglilingkod, kahit pa madalas akong mapilitang pumili sa pagitan ng pag-aaral at pagtatrabaho.
Dahil sa kakulangan sa pinansyal na kakayahan, muntik ko nang isuko ang pangarap kong makapag-aral. Hanggang sa dumating ang isang magandang balita—isang mensahe na nagbukas ng bagong pag-asa. Nakilala ko ang Magna Anima Teachers College, at sa pamamagitan ng kanilang scholarship program, naging bahagi ako ng unang batch ng mga iskolar. Dito muling nabuhay ang aking pangarap. Sa apat na taon ng pagod, hirap at sakripisyo, isang bagay ang naging sandigan ko—ang tiwala sa Diyos. Alam kong hindi Niya ako kailanman iniwan. Sa Kanya ko hinugot ang lakas sa tuwing gusto ko nang sumuko.
Ngayon, ako po ay isa nang ganap na guro sa ilalim ng Caritas Philippines at Magna Anima Teachers College, sa pamamagitan ng Alay Kapwa Community Schooling Program. Ipinagpapatuloy ko ang aking misyon sa pagtuturo sa mga Out-of-School Youth, mga kabataang minsan ding pinagkaitan ng kapalaran at komunidad. Gusto kong ibalik ang mga blessings na natanggap ko sa pamamagitan ng pagtuturo—isang misyon na puno ng pag-asa, kaalaman, at higit sa lahat, ang paglapit ko pa sa Panginoong Diyos. Naniniwala akong this is more than just a passion—it’s a calling. Sa bawat kabataang natuturuan ko, may bagong pag-asang naibabahagi sa iba. At iyon ang tunay na misyon ko bilang isang guro.
Taos-puso akong nagpapasalamat sa lahat ng sponsors, donors, at benefactors na walang sawang tumulong at patuloy na nagbibigay ng biyaya sa amin. Malaki po ang naging epekto ng binuksan ninyong pintuan—hindi lamang sa akin kundi sa napakarami pang kagaya ko. Nawa’y pagpalain kayo ng Diyos at makapaghatid pa ng pag-asa sa mas marami pang buhay.
Marami pong salamat at mabuhay po tayong lahat.